Tinatayang mahigit 2,700 aplikante mula sa CALABARZON ang inaasahang kukuha ng Philippine National Police Academy (PNPA) Cadet Selection and Admission Process (CSAP) para sa PNPA Class of 2031 sa Linggo, Oktubre 25, 2026.

Bilang paghahanda, bumisita sa Police Regional Office 4A (PRO CALABARZON) ang mga PNPA Chief Examiner at Proctor upang makipagpulong kay Regional Director PBGen Dominic Baccay. Bilang alumnus ng PNPA, binigyang-diin ni Baccay ang kahalagahan ng disiplina, kaalaman, at kakayahan sa paghahanda ng mga aplikanteng nagnanais maging kadete at maglingkod sa bansa at kapwa Pilipino.

Ayon sa PNPA, magtatayo ng limang examination center sa rehiyon, kabilang ang mga lugar sa Dasmariñas, Cavite; Calamba City, Laguna; Lucena City, Quezon; at Lipa City, Batangas. Tiniyak naman ng mga Chief Examiner at Proctor ang integridad at maayos na pagsasagawa ng pagsusulit upang makapili ng mga susunod na lider ng Philippine National Police na may kakayahan, katapatan, at kahandaang maglingkod. Dumalo rin sa aktibidad ang mga miyembro ng PRO CALABARZON Command Group, regional at provincial staff, mga kinatawan ng Provincial Administrative and Resource Management Units, at mga hepe ng pulisya sa mga lugar na magsisilbing examination center.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *