Pormal nang binuksan at binasbasan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) CALABARZON ang kauna-unahang Bangus Wild Fry Holding Facility sa rehiyon noong Hulyo 2, 2025 na ginanap sa bayan ng Infanta, Quezon.

Bahagi ito ng National Bangus Development Program (NBDP) na layuning paigtingin ang produksiyon at suplay ng bangus hindi lamang sa Infanta kundi maging sa mga karatig-bayan at lalawigan sa CALABARZON.

Sa pamamagitan ng proyektong ito, hangad ng BFAR na palakasin ang lokal na industriya ng bangus at makapagbukas ng mas maraming kabuhayan para sa mga mangingisda sa lugar.

Bilang suporta sa matagumpay na pagpapatakbo ng pasilidad, BFAR Region 4A ang mangangasiwa sa operasyon nito sa unang taon. Sa panahong ito, magsasagawa rin sila ng pagsasanay at pagpapalakas ng kakayahan ng lokal na samahan ng mangingisda na Samahan ng mga Mangingisda ng Libjo (SaMaLib) upang maging handa itong pamahalaan ang pasilidad.

Pagkatapos ng isang taon, pormal itong ililipat sa pamamahala ng SaMaLib sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Infanta.

Sa araw ng selebrasyon, nagbigay ng mensahe ang Regional Director ng BFAR na si G. Sammy A. Malvas, kung saan ipinahayag niya ang buong suporta ng ahensya. Aniya, ‘Kami naman po ay nariyan lang sa inyong likod at aalalayan po namin kayo sa teknikal na aspeto upang masigurado natin na magtuloy-tuloy ang takbo ng ating proyekto.

Bilang panimulang tulong, bumili ang BFAR CALABARZON ng 600,000 bangus wild fry mula sa

samahan. Ang pondong makukuha mula rito ay magsisilbing panimulang kapital ng SaMaLib para simulan at mapanatili ang operasyon ng pasilidad.

Ang mga biniling fry ay ipinamahagi sa dalawang piling benepisyaryo na siyang mag-aalaga ng mga ito sa nursery, na isa ring bahagi ng NBDP.

Sa pagtutulungan ng BFAR CALABARZON, lokal na pamahalaan, at mga mangingisda, inaasahan na ang bagong pasilidad na ito ay magdudulot ng mas maraming oportunidad at matatag na kabuhayan para sa mga komunidad sa pangingisda ng Infanta at karatig-lugar.

Source: BFAR CALABARZON Region FB Page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *