Isang makasaysayang araw para sa lalawigan ng Batangas ang naganap noong Hunyo 27, 2025 matapos ang pormal na pagpapasinaya ng bagong Provincial Rehabilitation Center na matatagpuan sa Barangay Malainin, Ibaan.
Pinangunahan ang Blessing and Inauguration Ceremony ng mga opisyal mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, sa pangunguna ni Governor Hermilando “DoDo” Mandanas. Kabilang sa mga dumalo si Hon. Judge Ricky Flores ng Tanauan Regional Trial Court na nagsilbing panauhing pandangal.
Kasama rin sa aktibidad sina Atty. Genaro S. Cabral, Head ng Provincial Public Order and Safety Department; Provincial Engineer Gilbert Gatdula; 5th District Board Member Arthur Blanco; at si Atty. Edwin Aguirre ng Public Attorney’s Office (PAO).
Ang pagtatayo ng nasabing pasilidad ay bahagi ng patuloy na hakbang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas upang mapabuti ang sistema ng hustisya at rehabilitasyon sa probinsya.

Layunin nitong magbigay ng mas ligtas, maayos, at makataong lugar para sa mga Person Deprived of Liberty (PDLs), alinsunod sa mga pamantayan ng karapatang pantao.
Nagpaabot ng mensahe si Gov. Mandanas kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng modernong pasilidad na tutugon hindi lamang sa seguridad, kundi pati na rin sa pagbibigay ng pagkakataong makapagbagong-buhay ang mga nakakulong.
Ang pagbubukas ng Provincial Rehabilitation Center sa Ibaan ay isang hakbang tungo sa mas maayos at epektibong pamamahala sa mga correctional facilities sa lalawigan isang patunay ng patuloy na pagsusumikap ng Batangas sa pagbibigay ng makataong serbisyo para sa lahat.
Source: https://www.facebook.com/share/p/16a3kza3pC/