Matapos ang masusing pag-aaral, isinagawa na ang Contract Signing Ceremony sa pagitan ng JJC Group Development Asia SDN BHD at Seagate Engineering and Build Systems para sa pagsasakatuparan ng “The Smart City Project” na itatayo sa Bataraza, Palawan nito lamang ika-25 ng Hunyo 2025.

Ayon kay Engr. Leo Campos, CEO ng Seagate Engineering and Build Systems, ang build contractor ng 29 design development components ng proyekto ay nakabase sa approved master plan ng proyekto. Aniya, agad nilang sisimulan ang mga infrastructure projects sa Bataraza sakaling matapos nang mai-proseso ang mga kinakailangang dokumento, clearances mula sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) at mga concerned national agencies base sa itinatakda ng batas, bagaman, maaari namang simulan ang ibang proyekto na hindi na kailangan ng Environmental Compliance Certificate (ECC).

Kumpiyansa naman si Angel Lino Salavatierra Jr., CEO, JJC Group Development Philippines, sa napiling contractors at kumpanya na bubuo nito. Nagpapasalamat din siya sa LGU Bataraza para sa buong suporta nito sa proyekto.

Ang nasabing proyekto ay isang multi-billion-peso proposed project sa pagitan ng Malaysian Investors at LGU Bataraza. Una nang isinagawa ang MOA Signing at Inauguration Ceremony kasunod ang paggawad ng Notice to Proceed sa JJC Group Development Asia SDN BHD noong nakaraang taon.

Layunin ng proyektong ito na mapabuti ang serbisyo publiko, seguridad, at kabuhayan sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya at digital na solusyon para sa mas maayos at episyenteng pamumuhay ng mamamayan.

Source: The Palawan Times

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *