Masaya at makulay na ipinagdiwang ang SIGLAWUAN (Siglang Lawa ng Tanauan) 2024 ang ginanap sa Lungsod ng Tanauan, Batangas nito lamang ika-8 ng Setyembre, taong kasalukuyan.



Ito ay bahagi ng selebrasyon ng ika-23 Anibersaryo ng Lungsod ng Tanauan at alinsunod sa layunin ni Mayor Sonny Perez Collantes na muling pasiglahin ang turismo ng Lungsod, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Tanauan at ang Community Affairs Office – Tourism, sama-samang pinaghandaan ang SIGLAWUAN 2024.
Nagkaroon ng Kayak Race, pasiklaban sa mga ipinagmamalaking putahe o ang Cook-off fest, Beach Volleyball, Sepak Takraw kung saan nilahukan ito ng mga atletang kabataan mula sa iba’t ibang barangay at marami pang masasayang ganap.
Buo ang suporta ng mga kawani ng gobyerno na muling mabibigyang-kulay ang ipinagmamalaking Bulkang Taal at Lawa nito, maging ang mga Tanaueño ay magiliw na nakilahok sa masayang selebrasyon.
Kabilang sa itinampok sa nasabing aktibidad ang natatanging ganda ng Lawa at ang mga kaakit-akit na pasyalan na nakapaligid dito kabilang ang Sabang River Eco Park.
Ang SIGLAWUAN ay isa lamang sa marami pang programa ng pamahalaang lokal upang mapanumbalik ang sigla ng likas yaman at kultura na tunay na maipagmamalaki, hindi lamang sa ating bansa kundi pati na rin sa iba pang mga banyaga.
Source: Tanauan CGTV