Matagumpay na nailunsad ang Php29.00 bigas per kilo sa ilalim ng Rice for All Program ng Department of Agriculture (DA) na ginanap sa New City Hall Grounds, Barangay Poblacion City of San Pedro, Laguna noong ika-19 ng Hulyo 2024.

Bilang bahagi ng pagdiriwang sa National Disability Rights Week, umabot sa 495 residente mula sa lungsod ng San Pedro ang naging benepisyaryo kung saan binigyang prayoridad na makabili ng mura at abot kayang bigas ang mga Persons with Disabilities (PWDs), senior citizens, at mga solo parent.
Personal na dinaluhan ni DA Assistant Secretary Genevieve Guevarra ang naturang programa kasama ang ilang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan ng San Pedro at City Agriculture Office.
Bagamat mura ang presyo ng bigas, siniguro ni DA Asst. Sec. Guevarra sa mga residente na pareho ang kalidad nito sa ordinaryong bigas na kanilang nabibili, mayroon lang kaunting pagkakaiba sa kulay.

Ang naturang programa ay kasalukuyang nasa trial stage at sinisikap ng ahensya na maging regular na programa kung saan ang mga mamimili ay makabibili ng 5 kilo ng bigas hanggang 10 kilo kada buwan.
Ito ay isang malaking tulong na nagpapakita ng tunay na malasakit at kapakanan ng bawat mamamayan tungo sa mas maayos at mas abot-kayang pamumuhay para sa lahat.
Source: PIA Laguna