Ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan ang tatlong combine harvester with trailer sa mga samahan at kooperatiba na ginanap sa Poblacion Magsaysay, Occidental Mindoro nito lamang Mayo 8, 2024.

Pinangunahan ni Municipal Mayor Cesar M. Tria Jr. ang seremonya ng paghandog ng mga unit ng Combine Harvester with Trailer sa tatlong Samahan na kinabibilangan ng RIVECO mula sa Barangay Sibalat, St. Marcos Multi-Purpose Cooperative ng Barangay Gapasan, at Mabuting Pastol ng Kanlurang Mindoro Multi-Purpose Cooperative ng Barangay Calawag, Magsaysay, Occidental Mindoro.

Ang pagsasakatuparan ng nasabing proyekto ay nagmula sa pagtutulungan ng Pamahalaang Lokal kasama ang Municipal Agriculture Office, at ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (Philmech), sa ilalim ng Rice Competitiveness and Enhancement Program (RCEP).

Layunin ng nasabing programa na tugunan ang mga pangangailangan ng mga magsasaka at tulungan sila sa kanilang pangunahing hanapbuhay.

Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng modernong kagamitan tulad ng combine harvester with trailer, inaasahang mapapadali at mapapalakas ang sektor ng pagsasaka sa nasabing rehiyon.

Sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura, hindi lamang ang mga magsasaka ang nakikinabang kundi ang buong komunidad. Ito ay nagbibigay ng potensyal na magdudulot ng mas mataas na produksyon, mas maraming kita, at mas maunlad na kabuhayan para sa mga residente ng lugar.

Sa ganitong mga hakbang, patuloy na naglalaan ang lokal na pamahalaan ng suporta at pagkakataon para sa pag-unlad ng kanilang mga mamamayan at ekonomiya ng kanilang lugar.

Source: LGU Magsaysay

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *