Isang matagumpay na Charity Event ang isinagawa ng Miss Universe Philippines 2024 sa Bayanan Elementary School sa bayan ng Baco, Oriental Mindoro nito lamang Mayo 9, 2024.
Ito ay pinangunahan ni Governor Humerlito “Bonz” A. Dolor at kanyang maybahay na si Hiyas Govinda Ramos-Dolor.

Kasama rin sa pagdiriwang ang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan tulad nina Aleli Casubuan, Board Member, Atty. Ian Paulo de Castro, kinatawan ni Baco Mayor Allan A. Roldan, Jay Lorence Najito, SB Member at Bejay Dimalibot, Tourism Culture and the Arts Coordinator.
Sa nasabing aktibidad, ipinahayag ni Governor Bonz ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtulong-tulong sa panahon ng pangangailangan at kagalakan. Binigyang-diin din niya na ang pagiging Pilipino ay nagbubuklod sa kabila ng anumang pagkakaiba.
Nagpahayag naman si Miss Oriental Mindoro Charities, Inc. President Hiyas Govinda Ramos-Dolor na ang kagandahan ay dapat may layunin, at naniniwala sila sa adhikain ng MOMCI na “beauty should have a purpose.”

Nagdulot ng kasiyahan at saya sa mga batang mag-aaral ng Bayanan Elementary School ang mga natanggap na kagamitan, food pack, feeding program, at storytelling session na pinangasiwaan ng mga kandidata ng Miss Universe Philippines 2024.
Sa pamamagitan ng pagtitipon na ito, patuloy na pinatutunayan ng mga kalahok ang kahalagahan ng pagtutulungan at pagtulong sa kapwa, na nagbibigay ng di-malilimutang karanasan hindi lamang sa mga batang benepisyaryo kundi sa buong komunidad ng Baco, Oriental Mindoro.
Source: Provincial Information Office- Oriental Mindoro