Naging matagumpay ang pagbubukas ng 3-day exhibit ng Department of Science and Technology (DOST) MIMAROPA kaalinsabay sa pagbubukas ng pagdiriwang ng 2024 MIMAROPA Regional Science & Technology & Innovation Week (RSTW) sa Calapan City Convention Center nito lamang Mayo 7, 2024.
Ang aktibidad ay personal na sinaksihan ni Governor Bonz Dolo, kasama si Provincial Administrator Hubbert Dolor, Calapan City Mayor Malou Morillo, at ilang Department Heads ng PGOM.

Ang nasabing aktibidad ay may temang “Siyensya, Teknolohiya, at Inobasyon: Kabalikat sa Matatag, Maginhawa at Panatag na Kinabukasan”.
Layunin ng gawain na mailapit sa mga mamamayan ang mga produkto, serbisyo, at programa ng ahensiya.

Gayundin, ang maipakita ang mga modernong teknolohiya na resulta ng mga makabagong imbensyon upang pagbutihin pa ang kalidad ng mga produktong mayroon ang rehiyon.
Isang Mobile Modular Food Processing Facility (MMFPF) ang nakatalaga para sa lalawigan ng Oriental Mindoro ang natanggap ng Pamahalaan ng lalawigan mula kay Sec. Solidum.

Ang mobile facility na ito ay iikot sa lalawigan upang umalalay sa mga magsasaka at mangingisda na mapatagal pa ang mga produkto at mapataas ang kalidad nito sa tulong ng naturang pasilidad.
Samantala, ilan naman sa mga tampok na gawain sa RSTW ay mga exhibit ng mga samahan at indibidwal na nabigyang tulong ng DOST, gayundin, ang forum at press conference upang mas mapalawak pa ang saklaw ng mensaheng nais iparating ng pamunuan ng naturang ahensya sa publiko.
Sa pangkalahatan, ang layunin ng pamahalaan sa ganitong aktibidad ay ang pagtulong sa pagpapalaganap ng kaalaman at pagpapataas ng kamalayan sa kahalagahan ng siyensya, teknolohiya, at inobasyon sa pag-unlad ng bansa at sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga mamamayan.
Source: Provincial Information Office – Oriental Mindoro