PUERTO PRINCESA CITY (PIA) — Inatasan ni Mayor Lucilo R. Bayron, chairperson ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC), ang mga miyembrong ahensya nito na maghanda sa posibleng epekto ng pambansang energy emergency na dulot ng kaguluhan sa Middle East at patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Sa first-quarter meeting ng konseho noong Marso 26, binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng pagkakaroon ng konkretong contingency plan upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo ng pamahalaan at kapakanan ng mga mamamayan.

Ilan sa mga mungkahing isasama sa plano ay ang pagpapalawak ng solar power systems sa mga ahensya at pasilidad pangkalusugan, pagbibigay prayoridad sa kritikal na resources, at pagsusulong ng renewable energy bilang alternatibong pinagkukunan ng kuryente. Inirekomenda rin ang paglalaan ng 20% Development Fund at 5% DRRM Fund para tugunan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, pagsasagawa ng Economic Risk Assessment, at pagpapalakas ng Public Service Continuity Plan, kabilang ang koordinasyon ng mga health cluster sa paggamit ng alternatibong enerhiya.

Kasama rin sa hakbang ang pagdaragdag ng mga sasakyan ng LGU na magdadala ng produkto ng mga lokal na magsasaka patungo sa mga palengke, bagsakan, at Kadiwa Centers upang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng pagkain. Ayon kay Bayron, patuloy ang pagsisikap ng pamahalaang lungsod na maging handa, matatag, at maagap sa pagharap sa anumang krisis, kasabay ng layuning matiyak na walang maiiwan at tuloy-tuloy ang serbisyo para sa bawat Puerto Princesan.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *