ODIONGAN, Romblon — Inaasahan ng mga opisyal ng turismo sa lalawigan ng Romblon na mananatiling matatag ang bilang ng mga turistang dadagsa ngayong Semana Santa, sa kabila ng pagtaas ng pamasahe sa mga ferry na dulot ng pagtaas ng presyo ng langis kaugnay ng tensyon sa Middle East.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Kim Faderon, nananatiling katanggap-tanggap para sa mga biyahero ang kasalukuyang gastos sa transportasyon. Wala rin umanong naitatalang kanselasyon ng booking o pagbawas ng interes mula sa mga nais bumisita sa lalawigan. Sa halip na magpatupad ng mga hakbang kaugnay sa pamasahe, nakatuon ang pamahalaang panlalawigan sa pagpapanatiling abot-kaya ng iba pang gastusin sa turismo. Hindi rin planong alisin ang entrance fees sa mga pasyalan dahil minimal na ito at nagsisilbing kabuhayan ng mga lokal na komunidad.

Samantala, bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga bisita, nagsagawa ng pulong si Governor Trina Firmalo-Fabic kasama ang iba’t ibang ahensya na may kinalaman sa turismo, kaligtasan, at transportasyon. Inatasan din ang mga lokal na pamahalaan na i-activate ang kanilang Incident Management Teams para sa maayos na crowd control at agarang pagtugon sa mga insidente.

Pinaiigting din ang seguridad sa buong lalawigan sa tulong ng Philippine Coast Guard at Philippine National Police na nakatalaga sa mga pangunahing destinasyon at pantalan. Layunin ng mga hakbang na ito na matiyak ang ligtas, maayos, at kasiya-siyang karanasan ng mga turista at lokal na residente sa panahon ng Semana Santa.

Source: PIA Romblon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *