BATANGAS — Anim na sasakyang ginagamit umano sa iligal na drag racing ang nasabat ng Land Transportation Office – Philippines (LTO) Region IV-A Law Enforcement Service sa isinagawang serye ng operasyon sa Lipa City, Padre Garcia, at Rosario, Batangas noong Linggo ng umaga, Disyembre 7, 2025.

Ayon sa ulat ni Regional Director Elmer J. Decena kay LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, kabilang sa mga na-impound sa LTO Lipa District Office ang limang (5) Honda Civic EG hatchback at isang (1) Honda Civic SiR. Natukoy sa mga sasakyan ang iba’t ibang paglabag tulad ng kawalan ng rehistro, traffic obstruction, paggamit ng illegal accessories, at maling pagkakakabit ng plaka, na malinaw na paglabag sa umiiral na batas trapiko.

Sa masusing inspeksyon, dalawa sa mga sasakyan ang may depektibong headlight at pinutol na muffler, habang ang isa ay may pekeng plaka, pinutol na muffler, at rear bumper na may tinatawag na “speed holes.” Mayroon ding isang hatchback na walang rear bumper. Samantala, ang Honda Civic SiR ay may kaparehong paglabag sa headlight at muffler, habang ang isa pang sasakyan na natagpuang walang drayber ay walang rear bumper at side mirror, may obstruction, at sumasailalim pa sa beripikasyon ng rehistro.

Binigyang-diin ni Asec. Lacanilao na ang iligal na drag racing ay isang seryosong banta sa kaligtasan ng publiko, kaya’t magpapatuloy ang pinaigting na operasyon laban dito. Hinikayat naman ni Director Decena ang mga motorista na sumunod sa “No Registration, No Travel” policy at tiyaking maayos ang kondisyon ng kanilang mga sasakyan upang maiwasan ang aksidente at pananagutan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *