LEGAZPI CITY- Nagpapatuloy ang isinasagawang monitoring ng mga kinauukulan sa mga gasoline stations sa lalawigan ng Albay.
Paliwanag ni Albay Police Provincial Office Director Police Col. Noel Nuñez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nasa 143 ang mga gasoline stations sa lalawigan, at sinisiguro na nakakasunod ang mga ito sa ipinapatupad na price cap.
Sa naturang bilang, nabatid na walong mga gasolinahan na ang naitalang nagsara.
Apat sa mga ito ay tumigil na sa operasyon dahil sa kawalan ng supply ng produktong petrolyo.
Isa naman ang naipasara dahil sa mga naitalang iligalidad, isa ang pending ang business permit, isa ang hindi na operational at ang isa ay nagsarado noon pang 2018.
Sinabi ni Nuñez na patuloy silang nakabantay sa sitwasyon, upang maiwasan na maabuso ng ilang mga negosyante ang publiko sa gitna pa rin ng mataas na presyo ng langis sa bansa.
Source: Bombo Radyo Legazpi