Tumanggap ang 271 pamilya mula sa Barangay Pulo ng mahigit ₱18.7 milyon na tulong pabahay mula sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Social Housing Finance Corporation (SHFC) upang mabili ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay.

Iginawad ang tulong sa Don Vicente Villas Homeowners’ Association Phase 8 sa isang ceremonial check turnover na pinangunahan nina DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling at SHFC President at CEO Federico Laxa noong Marso 10. Bahagi ito ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP) sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa pamamagitan ng programang ito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga benepisyaryo na legal na mabili at maangkin ang lupang kanilang tinitirhan, na magbibigay sa kanila ng mas matatag at pangmatagalang seguridad sa pabahay.

Nagpasalamat naman ang mga residente sa pamahalaan sa tulong na nagbigay sa kanila ng pag-asa at kapanatagan dahil hindi na nila kailangang mangamba sa posibleng pagpapaalis sa kanilang mga tahanan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *