PBBM: Walang naiulat na pilipinong nasawi sa gitna ng sigalot sa Gitnang Silangan
Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Linggo na wala naiuulat na Pilipinong nasawi o nasugatan sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel, United States (US), at Iran.
Sa isang video message, sinabi ni Pangulong Marcos na mahigpit na mino-monitor ng pamahalaan ang mga pangyayari sa Gitnang Silangan matapos magsagawa ng airstrikes ang Israel at US laban sa Iran, na gumanti naman sa pamamagitan ng pag-atake sa mga base militar ng Amerika sa United Arab Emirates, Bahrain, Oman, at Israel.
“Sa ngayon, as of 9 o’clock Sunday, wala po tayong natatanggap na report na may casualty na Pilipino. Wala pong Pilipino ang namatay, wala pong Pilipino ang nasaktan,” ani ng Pangulo.
Tiniyak niya sa publiko na agad nagsimulang magbantay ang mga embahada ng Pilipinas at mga labor office sa rehiyon mula pa noong Sabado ng hapon.
“Mula nung nabalitaan natin na nagsimula itong gyera, ay nagmo-monitor na kami kahapon pa ng late afternoon sa ating mga embassy, sa ating mga labor attaché, sa lahat ng mga embassy natin doon sa Middle East,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, ang mga Pilipinong nasa mga apektadong lugar ay lumipat na sa mas ligtas na lokasyon, kabilang ang mga bomb shelter, at umiwas sa mga posibleng target tulad ng mga base militar ng Amerika.
Binanggit din ni Pangulong Marcos na nananatiling pabago-bago ang sitwasyon at magpapatuloy ang kanilang pagbabantay.
“Palagay ko patuloy pa itong gyerang ito,” aniya.
Naglunsad ng malawakang operasyong militar ang US at Israel laban sa Iran noong Sabado, na ayon kay Pangulong Donald Trump ay naglalayong pahinain ang kakayahang militar ng Tehran at alisin ang tinatawag ng Washington na banta ng programang nuklear nito.
Bilang ganti, nagpakawala ang Iran ng mga drone at missile patungong Israel at inatake ang mga pasilidad militar ng US sa Bahrain, Kuwait, at Qatar.
Milyun-milyong overseas Filipino workers ang nakabase sa Gitnang Silangan, kaya’t malaking usapin para sa pamahalaang Pilipino ang anumang kaguluhan sa rehiyon.
Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1270037