Tatlumpung (30) kabataan na kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at walong (8) pang estudyante ang aktibong lumahok sa isang makabuluhang dalawang-araw na pagsasanay tungkol sa pagnenegosyo.

Ang aktibidad ay isinagawa ng 4Ps Municipal Operations Office ng San Jose, Camarines Sur sa ilalim ng pamumuno ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region, sa pangunguna ni Regional Director Norman S. Laurio, katuwang ang Lokal na Pamahalaan (LGU) nito lamang Setyembre 5, 2025.

Layunin ng pagsasanay na bigyan ng praktikal na kaalaman ang mga estudyanteng nasa Technical-Vocational-Livelihood (TVL) strand—kabilang ang tamang pamamahala ng pananalapi, paggawa ng plano sa negosyo, marketing, at pamumuno—bilang paghahanda sa kanilang landas tungo sa pagiging matagumpay na negosyante o propesyonal.

Isa sa mga tampok ng nasabing programa ang aktwal na paggawa ng mga produktong tulad ng tocino, atsara, at dishwashing liquid—mga gamit na kapaki-pakinabang sa tahanan at may potensyal sa merkado.

Ang pagtutulungang ito ay patunay ng matibay na paninindigan ng DSWD Bicol sa paglinang ng kabataan—hindi lamang sa pagbibigay ng kaalaman, kundi pati na rin ng mga kasangkapan at oportunidad upang hubugin ang mas progresibong kinabukasan.

Source: DSWD Field Office V

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *