Patuloy na namamayagpag ang Goa Fisherfolk and Farmers Association (GOFFA) matapos muling magbunga ng tagumpay ang kanilang pagsisikap sa larangan ng aquaculture.

Sa culture period na isinagawa mula Marso hanggang Agosto ngayong taon, nakapagtala ang grupo ng kabuuang 6,849 kilo ng tilapia, na nagbigay ng kita na umabot sa ₱841,183 nitong Setyembre 7, 2025.

Hindi lamang sariwang isda ang ipinagmamalaki ng asosasyon.

Aktibo ring lumalahok ang GOFFA sa Kadiwa ng Pangulo, kung saan kanilang ibinibida ang iba’t ibang produktong mula sa kanilang tilapia harvest tulad ng tilanggit, fish lumpia, fish nuggets, fish longganisa, at marami pang iba.

Ang inisyatibong ito ay hindi lamang nagdaragdag sa kanilang kita, kundi mas lalo ring nakapagpapalawak ng merkado para sa kanilang mga produkto.

Para sa mga miyembro, higit pa sa kita ang halaga ng proyektong ito. Ang pondo mula sa kanilang ani ay muling iniikot upang pondohan ang susunod na cycle ng produksyon, na nagbibigay katiyakan ng tuloy-tuloy na kabuhayan at mas matatag na samahan.

Ang kanilang tagumpay ay bunga ng tulong at suporta mula sa Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase II ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Sa ilalim ng programa, nakatanggap ang GOFFA ng farm inputs gaya ng fingerlings at feeds, teknikal na pagsasanay, at regular na monitoring upang masiguro ang maayos na operasyon ng kanilang proyektong pangkabuhayan.

Sa bawat kilo ng tilapia na kanilang inaani, kaakibat nito ang pangarap ng mas maunlad na kinabukasan—hindi lamang para sa kanilang mga pamilya, kundi para sa buong komunidad.

At sa likod ng bawat kwento ng tagumpay ay naroon ang patuloy na suporta ng BFAR-SAAD, na naniniwalang ang tunay na pag-unlad ay nakaugat sa pagkakaisa at sama-samang pagsisikap.

Source: BFAR Bikol

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *