Naghahanda ang Philippine Science High School (PSHS) ng mga mag-aaral para sa kolehiyo at mga karerang may kaugnayan sa agham sa pamamagitan ng anim na taong kurikulum mula Grade 7 hanggang Grade 12.

Ayon kay Christine Jann R. Moscoso, pinuno ng National Competitive Examination Campaign Committee ng PSHS-MIMAROPA, nakatuon ang programa sa Science, Mathematics, pananaliksik, inobasyon at pamumuno. Mayroon din itong mga asignaturang Humanities at gawaing pangmag-aaral sa pamamahayag, palakasan at multimedia.

Sinabi ni Moscoso sa programang Arangkada MIMAROPA noong Oktubre 7 na maaaring mag-aplay ang mga kwalipikadong mag-aaral sa Grade 6 na makapapasa sa National Competitive Examination (NCE).

Bilang paghahanda sa kolehiyo, nagbibigay rin ang paaralan ng libreng review sessions para sa college entrance examinations sa mga mag-aaral sa Grade 11 at Grade 12. Lumalahok din ang mga estudyante sa mga kompetisyon sa pananaliksik, kabilang ang mga paligsahang nilalahukan ng mga mag-aaral sa kolehiyo.

May 16 na kampus ang PSHS System sa buong bansa, kabilang ang kampus sa Odiongan, Romblon. Bukod sa akademiko, nagbibigay-pansin din ang paaralan sa kalusugang pangkaisipan at pakikipag-ugnayan sa mga magulang upang matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *