Humiling ang Pamahalaang Lungsod ng Calaca, Batangas ng ₱1.2 bilyong pautang para sa disenyo at konstruksyon ng isang tatlong palapag na sports arena na may kapasidad na 10,000 katao, ayon sa ulat ng Department of Finance–Bureau of Local Government Finance (DOF-BLGF).
Batay sa datos ng DOF-BLGF, kabilang ang Calaca City sa 18 local government units (LGUs) na nag-apply ng certificate of net debt service ceiling and borrowing capacity (CNDSCBC) noong Mayo 2026, na mas mataas kumpara sa walong LGUs na nagsumite ng kahalintulad na aplikasyon noong kaparehong buwan ng nakaraang taon.
Umabot sa ₱4 bilyon ang kabuuang loan requests ng mga LGU ngayong taon, higit doble sa ₱1.8 bilyon na naitala noong Mayo 2025. Ayon kay Philippine Tax Academy Vice Chancellor Ma. Teresa S. Habitan, inaasahan ang pagdami ng mga kahilingan sa pautang matapos ang halalan, kung kailan naantala ang implementasyon ng mga proyekto ng mga lokal na pamahalaan.
Source: Batangas News Today