Nauwi sa madugong insidente ang umano’y pagnanakaw sa isang bahay sa Brgy. Pinugay, Baras, Rizal matapos umanong saksakin ng suspek ang mag-asawang nakahuli sa kanya habang tinatangay ang kanilang mga gamit kamakailan.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Baras Municipal Police Station, bandang 1:55 ng madaling-araw nang umano’y pumasok ang suspek na kinilalang si alias “Ryan” sa bahay ng mga biktima.

Ayon sa nakuhang CCTV footage, gumamit umano ito ng metal ladder na naiwan sa hardin upang makaakyat sa ikalawang palapag at nakapasok sa bahay sa pamamagitan ng isang hindi nakakandadong pinto.

Tinangay umano ng suspek ang limang mamahaling relo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱20,000 at isang purple iPhone 14 na tinatayang nagkakahalaga ng ₱70,000.

Bandang 3:18 ng madaling-araw, nagising ang 38-anyos na babaeng may-ari ng bahay dahil sa kakaibang ingay. Nang harapin niya ang suspek, agad umano siyang sinaksak sa balikat gamit ang isang patalim.

Rumesponde ang kanyang 41-anyos na asawa upang awatin ang suspek, ngunit siya man ay sinaksak sa dibdib bago tuluyang tumakas ang salarin patungo sa Phase 4, Brgy. Pinugay.

Agad na isinugod ng mga kapitbahay ang mag-asawa sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center kung saan sila ginamot.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at ang pagtugis sa suspek na nahaharap sa kasong Robbery with Violence or Intimidation at Frustrated Homicide.

Wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang mga awtoridad habang nagpapatuloy ang operasyon para sa kanyang agarang pag-aresto.

Source: Cavite News Network

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *