CALAMBA CITY, Laguna — Pinalawak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang implementasyon ng Supplementary Feeding Program (SFP) para sa 2026 sa pamamagitan ng pagpapahaba ng feeding cycle mula 120 hanggang 180 araw at pagtaas ng pondo sa P9.6 bilyon upang mapakinabangan ng mahigit 1.8 milyong batang nasa Child Development Centers (CDCs) at Supervised Neighborhood Play (SNP) sa buong bansa.

Sa ilalim ng programang Batang Nutri-Care, patuloy na bibigyan ng masustansyang pagkain ang mga batang edad tatlo hanggang lima upang makatulong sa paglaban sa malnutrisyon, stunting, at hindi kusang pagkagutom. Ang mga lugar na may mataas na kaso ng undernutrition ay makatatanggap din ng gatas at iba pang masustansyang pagkain.

Sa CALABARZON, inaasahang mahigit 116,000 bata ang makikinabang sa programa sa pakikipagtulungan ng DSWD at mga lokal na pamahalaan. Kabilang sa mga naunang tumanggap ng pondo ang Bayan ng Pangil, Laguna, na nakatanggap ng P2.583 milyon para sa 11 Child Development Centers, habang inilunsad din ng Lucban, Quezon ang SFP para sa mga daycare learners sa kanilang mga Child Development Centers.

Ayon sa DSWD, layunin ng pinalawak na programa na higit pang mapabuti ang kalagayang nutrisyon ng mga bata. Bukod sa pagbibigay ng masustansyang pagkain, isinasama rin sa programa ang nutrition education para sa mga magulang at tagapag-alaga upang maisulong ang malusog na pamumuhay sa bawat tahanan.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *