Bilang pakikibahagi sa pagdiriwang ng ika-165 taong anibersaryo ng kapanganakan ng pambansang bayani, Dr. Jose Rizal ay pormal nang inilunsad ng pamahalaang bayan ng Los Baños, Laguna ang kauna-unahang Rizal Classrooms of the Future (RCOF) sa Los Baños Central Elementary School nitong Biyernes, Hunyo 19.

Ayon kay Mayor Neil Andrew Nocon, pangunahing layunin ng programa na mas palakasin pa ang sektor ng edukasyon sa bayan upang makasabay ang mga mag-aaral sa nagbabagong panahon at siguraduhing angkop sa Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program ng Department of Education ang proyekto na tutulong sa literacy, critical thinking, innovation, at values formation ng mga kabataan.

Kasabay ng paglulunsad ng programa ang pamamahagi ng Rizal Tablet na gagamitin ng mga mag-aaral na naglalaman ng mga babasahin o mga information and educational materials tungkol sa buhay at mga aral ng bayani, gayundin ng simbolismo ng watawat na maaaring makita ng mga batang gagamit ng tablet upang higit pang pahalagahan ang pag-aaral ng kasaysayan.

Higit pa sa teknolohiya, layunin ng programa na makalikha ng mga kabataang mahusay magbasa, mapanuri, makabago, may mabuting pagpapahalaga, at handang maging mga susunod na tagapagtaguyod ng pagsulong ng bayan at ng bansa.

Dumalo sa programa ang mga kawani ng lokal na pamahalaan at nakiisa rin sina DepEd Laguna Schools Division Superintendent Dr. Editha M. Atendido, Dr. Lourdes Bermudez na kumatawan kay DepEd Calabarzon Regional Director Carlito D. Rocafort at Dr. Soledad S. Villanueva, Public Schools District Supervisor ng DepEd Los Baños Sub-Office at iba pang mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *