LUCENA CITY, Quezon (PIA) — Makasaysayang idineklara ang Region IV-A CALABARZON bilang kauna-unahang rehiyon sa bansa na nagtamo ng Stable Internal Peace and Security (SIPS) para sa taong 2026 sa isinagawang SIPS Seal Awarding, Declaration, at Renewal of Commitment sa Quezon Convention Center sa Lucena City noong Hunyo 12.
Kasabay ng pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, kinilala ang rehiyon sa matagumpay nitong pagtataguyod ng kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng pamahalaan, mga security forces, at lokal na pamahalaan.

Pinangunahan nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” C. Remulla Jr. at Regional Peace and Order Council (RPOC) CALABARZON Chairperson at Quezon Governor Doktora Helen Tan ang paggagawad ng SIPS Seal sa mga lalawigang bumubuo sa rehiyon.
Bahagi rin ng programa ang paglagda sa Memorandum of Agreement para sa Regional SIPS Declaration at ang panunumpa ng suporta ng mga ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan para sa patuloy na pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa rehiyon.

Ayon kay Governor Helen Tan, naging matagumpay ang pagtugon sa suliranin ng insurgency sa CALABARZON sa pamamagitan ng malawakang konsultasyon, kolaborasyon, at aktibong pakikilahok ng mga mamamayan, iba’t ibang sektor, at mga lokal na pamahalaan.
Aniya, ang pagkakaloob ng SIPS Seal sa CALABARZON ay patunay ng sama-samang pagsisikap ng mga ahensya ng gobyerno, security forces, at local government units upang matiyak ang isang ligtas, maunlad, at mapayapang rehiyon para sa lahat.
Ang deklarasyong ito ay inaasahang magsisilbing inspirasyon sa iba pang mga rehiyon sa bansa upang higit pang paigtingin ang mga programang naglalayong mapanatili ang kapayapaan at mapabilis ang kaunlaran sa mga komunidad.
Source: PIA CALABARZON