Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaisang ipinagdiwang ng Lungsod ng Puerto Princesa at Lalawigan ng Palawan ang ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 2026.

Pinangunahan ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron at Palawan Governor Amy Roa Alvarez ang makasaysayang pagdiriwang na dinaluhan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga kawani ng gobyerno, at iba’t ibang sektor ng lipunan.

Ayon kay Mayor Bayron, isang malaking karangalan at inspirasyon ang pagkakaisang ipinamalas ng lungsod at lalawigan sa pagdiriwang ng mahalagang okasyong ito.

“Ang Kalayaan ay hindi lamang paggunita sa ating kasaysayan kundi patunay rin na nananatiling buhay ang pagkakaisa, malasakit, at pagtutulungan bilang isang sambayanan,” ani Bayron.

Binigyang-diin din ng alkalde na ang sama-samang pagdiriwang ay sumasalamin sa matibay na ugnayan ng Puerto Princesa at Palawan sa pagsusulong ng kaunlaran at kapakanan ng kanilang mga mamamayan.

Samantala, ipinahayag ni Governor Amy Roa Alvarez ang kanyang suporta sa mga adhikaing naglalayong higit pang pagtibayin ang pagkakaisa ng mga Palawenyo at Puerto Princesans para sa isang mas maunlad at mapayapang kinabukasan.

Ang magkasanib na pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay nagsilbing makabuluhang pagkakataon upang alalahanin ang sakripisyo ng mga bayaning Pilipino at muling pagtibayin ang diwa ng nasyonalismo, pagkakaisa, at pagmamahal sa bansa.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *