Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite, Pamahalaang Bayan ng Kawit, at National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong Hunyo 12 sa makasaysayang bayan ng Kawit.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Gobernador Francisco Gabriel Remulla ang mga Caviteño na tularan ang katapangan, pagmamahal sa bayan, at sakripisyo ng mga bayani at ninuno na naging daan sa pagkamit ng kalayaan ng bansa.

Aniya, mahalagang maging inspirasyon ang kanilang mga ipinaglaban sa pagharap sa mga hamon ng kasalukuyan at sa patuloy na pagsusulong ng kaunlaran at pagkakaisa sa lalawigan.
Nakiisa rin sa pagdiriwang ang iba’t ibang sektor ng lipunan kabilang ang mga beterano, kabataan, guro, at iba pang mga mamamayan bilang pagpapakita ng pagkakaisa at pagpapahalaga sa kasaysayan ng bansa.
Mas naging makabuluhan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng serye ng mga aktibidad na inihanda ng lokal na pamahalaan ng Kawit na nagsimula pa noong Mayo 28. Tampok sa mga ito ang mga programang pangkultura, pagtatanghal ng musika, at mga eksibisyon ng mga produktong lokal na nagtataguyod sa mayamang pamana at identidad ng bayan.

Naging tampok din sa pagdiriwang ang Parada ng Kalayaan na dinaluhan ng iba’t ibang organisasyon at sektor bilang paggunita sa makasaysayang proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas na unang idineklara sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898.
Sa pamamagitan ng pagdiriwang, muling pinagtibay ng mga mamamayan ng Cavite ang kanilang pagpapahalaga sa kalayaan at ang kanilang pangakong ipagpapatuloy ang mga adhikain ng mga bayaning Pilipino para sa isang mas maunlad at nagkakaisang bansa.