Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) Regional Office CALABARZON ang kanilang mga hakbang sa seguridad at pagbabantay upang matiyak ang ligtas, maayos, at mapayapang pagbubukas ng klase para sa School Year 2026–2027 sa buong rehiyon.

Sa direktiba ni Police Brigadier General Hansel Marantan, Regional Director ng PRO CALABARZON, inatasan ang lahat ng hepe ng pulisya sa rehiyon na makipag-ugnayan nang mabuti sa mga lokal na pamahalaan, mga opisyal ng paaralan, at iba pang mga katuwang upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at mga magulang sa pagbubukas ng klase.

Ayon kay PBGEN Marantan, mahalaga ang mas pinaigting na presensya ng mga pulis sa loob at paligid ng mga paaralan upang mapigilan ang anumang banta sa seguridad at matiyak ang ligtas na kapaligiran para sa pag-aaral.

“Prayoridad natin na mapanatiling ligtas at matiwasay ang ating mga paaralan upang lubos na mapaunlad ng mga mag-aaral ang kanilang kakayahan sa pagkatuto at maiwasan ang anumang uri ng krimen na maaaring magbanta sa kanilang kapakanan,” ani Marantan.

Bilang bahagi ng paghahanda para sa Balik-Eskwela 2026, nagtalaga ang PRO CALABARZON ng 4,538 na pulis sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Pinalakas pa ito sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), at 1,617 force multipliers.

Ipinuwesto ang mga tauhan sa mga paaralan, pangunahing lansangan, terminal ng transportasyon, at iba pang matataong lugar upang mapanatili ang kaayusan at seguridad ng publiko.

Nag-activate rin ang PRO CALABARZON ng 331 Police Public Assistance Desks (PPADs) sa mga paaralan upang agad na makatugon sa mga pangangailangan, katanungan, at insidenteng maaaring mangyari.

Noong unang araw ng klase noong Hunyo 8, binisita at binigyan ng police assistance ang kabuuang 5,149 na paaralan sa rehiyon. Namahagi rin ang mga pulis ng mga polyeto at babasahing naglalaman ng mga paalala at impormasyon tungkol sa pag-iwas sa krimen at pagpapanatili ng kaligtasan upang mapalawak ang kamalayan ng mga mag-aaral at magulang.

Binigyang-diin ng pulisya na ang kaligtasan ng mga kabataan at komunidad ay nakasalalay hindi lamang sa presensya ng mga awtoridad kundi pati na rin sa sapat na kaalaman, pag-iingat, at patuloy na pakikipagtulungan ng publiko upang mapanatili ang isang ligtas at maayos na kapaligiran para sa pagkatuto.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *