SAN JOSE, Occidental Mindoro — Patuloy na nakatutulong ang seaweed farming sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga mangingisda at paglikha ng trabaho sa mga baybaying komunidad sa Occidental Mindoro.

Ayon kay Diego Saulong, 64-anyos na seaweed farmer mula sa Barangay Ambulong, malaking tulong ang seaweed farming sa pagpapatayo at pagpapanatili ng kanilang bahay at bangka, pati na rin sa pang-araw-araw na gastusin at pag-aaral ng kanyang apo. Dagdag pa niya, nakapagbibigay rin ito ng pansamantalang trabaho sa lima hanggang sampung residente tuwing panahon ng pagtatanim.

Samantala, sinabi ni BFAR Occidental Mindoro Provincial Fishery Officer Edgardo S. Payas na nagsimula nang tumanggap ng seaweed farm implements ang may 100 benepisyaryo mula sa Barangay Ambulong at Iling noong Mayo 19 sa ilalim ng Seaweeds Development Program ng BFAR.

Layunin ng programa na mapataas ang produksyon at kita ng maliliit na mangingisda habang sinusuportahan ang food security at kabuhayan sa mga komunidad sa baybayin. Inaasahan ding mamamahagi ang BFAR ng seaweed planting materials sa Hunyo.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *