SORSOGON CITY — Binigyang-diin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang kahalagahan ng mas pinaigting na information drive kaugnay ng permanent danger zone sa paligid ng Bulusan Volcano.
Ayon sa resident volcanologist na si April Dominguiano, mahalagang maipabatid sa publiko ang mga panganib ng pag-akyat sa aktibong bulkan, lalo na ngayong panahon ng tag-init at Semana Santa.
Nanatiling ipinatutupad ang 4-kilometrong permanent danger zone at 2-kilometrong extended danger zone sa ilang lugar sa Irosin at Bulusan. Pinayuhan ang mga lokal na pamahalaan na mahigpit na ipagbawal ang pagpasok sa mga nasabing lugar upang maiwasan ang posibleng sakuna.
Patuloy ding hinihikayat ang publiko na manatiling alerto, sumunod sa mga abiso ng awtoridad, at kumuha ng impormasyon mula sa mga opisyal na channel upang matiyak ang kaligtasan.
Source: PIA Sorsogon