ODIONGAN, Romblon — Tumanggap ng tulong-pinansyal ang 1,074 residente ng Odiongan, Romblon na naapektuhan ng Bagyong Opong noong nakaraang taon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Emergency Cash Transfer (ECT) Program noong Huwebes, Pebrero 12.

Pinangunahan ni DSWD Undersecretary Edu Punay ang pamamahagi ng ayuda, na bahagi ng ikalawang tranche ng ECT program na naglalayong matulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad na makabangon at matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan.

Ayon sa DSWD, umabot sa humigit-kumulang ₱100 milyon ang naipamahagi sa unang tranche ng ECT program, habang may inilaan namang ₱112 milyon para sa ikalawang tranche na sasaklaw sa buong lalawigan ng Romblon. Sa naturang halaga, ₱7.68 milyon ang nakalaan para sa mga benepisyaryo sa bayan ng Odiongan.

Ang Emergency Cash Transfer program ay isa sa mga pangunahing programa ng pamahalaan na nagbibigay ng agarang tulong-pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng mga sakuna upang matulungan silang makabangon at maibalik ang kanilang kabuhayan.

Source: PIA Romblon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *