SAN JOSE, Occidental Mindoro — Nagpahayag ng pasasalamat ang ina ng Filipino-American na si Chantal Anicoche sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa 2nd Infantry Division (2ID) ng Philippine Army matapos ang ligtas na pagkakasagip sa kanyang anak at ang kanilang pagbabalik sa Estados Unidos noong Enero 30.

Ipinahatid ang mensahe sa pamamagitan ni Col. Michael Aquino, tagapagsalita ng 2ID, na pinuri ang propesyonalismo, malasakit, at tulong-makatao na ipinagkaloob ng mga sundalo mula sa oras ng pagkakasagip hanggang sa paggaling ng biktima.

Ayon sa ina ni Anicoche, kahanga-hanga ang mabilis na pagtugon ng mga tropa, maayos na koordinasyon ng mga ahensya, at ang paggalang at dignidad na ipinakita sa kanyang anak at pamilya sa gitna ng isang mahirap na sitwasyon.

Si Chantal Anicoche ay nasagip noong Enero 8 sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro sa gitna ng mga engkuwentro sa pagitan ng mga puwersa ng pamahalaan at ng New People’s Army (NPA). Agad siyang binigyan ng tulong medikal at makatao.

Sinabi ni Col. Aquino na patunay ang insidente sa paninindigan ng Hukbong Katihan na pangalagaan ang buhay at dignidad ng mga sibilyan sa gitna ng armadong tunggalian.

(PIA MIMAROPA–Occidental Mindoro)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *