Nagbigay ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng dalawang buwang ultimatum sa lahat ng Local Government Units (LGUs) upang tuluyang alisin ang mga pangalan, larawan, at iba pang promotional materials ng mga politiko sa mga proyektong pinondohan ng pamahalaan.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, kinakailangan ang palugit na ito dahil maaaring abutin ng anim hanggang walong linggo bago ganap na makasunod ang ilang LGUs sa ipinatutupad na Anti-Epal Policy ng gobyerno.
Binalaan ni Sec. Remulla na ang sinumang lalabag sa naturang kautusan ay maaaring harapin ang mga kasong administratibo at masuspinde sa puwesto.
Noong Enero 21, naglabas ang DILG ng Memorandum Order na mahigpit na nagbabawal sa mga politiko na maglagay ng kanilang pangalan, larawan, at iba pang promotional materials gaya ng billboard, streamer, at sticker sa alinmang proyektong pinondohan ng pamahalaan.
Nilinaw ng kalihim na ang mga proyekto ng gobyerno ay mula sa buwis ng mamamayan at hindi dapat gamitin bilang kasangkapan sa pansariling promosyon ng sinumang opisyal.
“A good job sells itself. If you perform well, it sells itself. You don’t need to ‘epal’,” giit ni Sec. Remulla.
Samantala, pinuri rin ng DILG Secretary ang ilang LGUs na agarang tumalima at nagtanggal na ng mga ipinagbabawal na materyales bilang pagsunod sa direktiba ng pamahalaan.