Opisyal nang nagretiro sa Philippine National Police (PNP) si dating PNP chief PGen. Nicolas Torre III matapos na aprubahan ng National Police Commission (Napolcom) ang kanyang ‘optional retirement’.
Sa dokumento ng Napolcom, epektibo ang optional retirement ni Torre noong pang Disyembre 26, 2025 nang tanggapin nito ang kanyang puwesto bilang bagong general manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Nanumpa si Torre kay Executive Secretary Ralph Recto.
Napag-alaman na sa ilalim ng Section 40 ng Republic Act 6975 ang “optional retirement” ay naipagkakaloob sa isang opisyal ng PNP na may halos 20 taong “satisfactory active service,” kahit na ito ay opisyal o may non-officer capacity.
Si Torre na nagsilbi bilang ika-31 Chief PNP sa loob ng tatlong buwan ay dapat sanang magreretiro sa taong 2027 sa ilalim ng compulsory retirement na 57 years old. Ngunit sinibak sa puwesto si Torre ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong Agosto 2025 bunsod ng umano’y paglabag sa Napolcom rules.
Samantala, magiging ganap nang hepe ng PNP si PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. kasunod ng pagreretiro ni Torre.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PBGen. Randulf Tuaño, igagawad na kay Nartatez ang ika-4 na estrella nito bilang full-fledged general ngayong linggo.
Tiniyak naman ni Tuaño na patuloy at buo ang suporta ng PNP sa pamumuno ni Nartatez.
Samantala, asahan na rin ang balasahan sa hanay ng mataaas na opisyal ng PNP sa pagkakatalaga kay Nartatez bilang PNP chief.
Source: Torre, nagretiro na sa PNP – Napolcom | Pilipino Star Ngayon