Isang babae ang natagpuang patay sa kahabaan ng Cavite–Laguna Expressway (CALAX) sa Silang, Cavite, madaling-araw ng Linggo, Enero 18.

Ayon sa Cavite Police Provincial Office (Cavite PPO), kinilala ng anak ang biktima sa alyas na “Isa,” 52 taong gulang, isang maintenance worker at residente ng Naic, Cavite.

Ilang oras matapos matagpuan ang bangkay, kusang sumuko sa Silang Municipal Police Station ang 34-anyos na live-in partner ng biktima na kinilala sa alyas na “Elias.”

Batay sa pahayag ng suspek, sakay sila ng motorsiklo ng biktima habang binabaybay ang CALAX noong gabi ng Sabado, Enero 17, nang aksidente silang bumangga sa isang barrier na naging sanhi ng kanilang pagkakatumba. Nagtamo umano ng pinsala sa ulo ang biktima at nawalan ng malay.

Sinabi ng suspek na sinubukan niyang gisingin ang biktima ngunit hindi ito tumugon. Sa halip na humingi ng tulong, iniwan umano niya ang biktima sa gilid ng kalsada at tumakas mula sa pinangyarihan ng insidente.

Makalipas ang ilang oras, natagpuan ng isang security guard na nagpapatrolya sa lugar ang biktima na wala nang buhay.

Ayon sa pulisya, ang pag-abandona umano ng suspek sa biktima ang naging sanhi ng tuluyang pagkamatay nito, na maaari sanang naagapan kung agad itong dinala sa pagamutan.

Nahaharap si alias Elias sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at abandonment of one’s victim sa ilalim ng Article 275 ng Revised Penal Code.

Nagpaalala ang Cavite PPO sa publiko na agad humingi ng tulong sa mga awtoridad sa oras ng emergency upang makaiwas sa mas malubhang insidente.

Source: https://mb.com.ph/2026/01/19/woman-found-dead-along-calax-live-in-partner-surrenders

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *