Masiglang nakibahagi ang may 45 senior citizens mula sa iba’t ibang barangay ng San Mateo sa isinagawang Hydroponics Seminar bilang bahagi ng 2025 Elderly Filipino Week Celebration noong ika-15 ng Oktubre, 2025.
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng Municipal Agriculture Office (MAO) na nagsilbing tagapagsanay at nagbahagi ng kanilang kaalaman hinggil sa hydroponics—isang makabagong at alternatibong pamamaraan ng pagtatanim na hindi nangangailangan ng lupa.

Layunin ng programa na maturuan ang mga nakatatanda ng mga bagong kaalaman sa pagsasaka na maaaring maging pagkakakitaan o mapaglibangan sa kanilang tahanan. Ibinahagi rin ng mga tagapagsanay ang wastong paggamit ng mga kagamitan at solusyon upang mapalago ang mga halaman gamit ang tubig at sustansya.
Ang seminar ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA), San Mateo Federation of Senior Citizens Association Inc. (SMFOSCA), at Municipal Agriculture Office.
Sa ganitong mga aktibidad, patuloy na ipinapakita ng Pamahalaang Bayan ng San Mateo ang malasakit at suporta para sa mga nakatatanda sa pamamagitan ng pagbibigay-kaalaman at pagsuporta sa kanilang kabuhayan at kalusugan.
Source: San Mateo Rizal Public Information Office FB Page