Mahigit 1,000 miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na naghahanap ng trabaho ang lumahok sa isinagawang “Serbisyo Fair” ngayong Setyembre 19, 2025, na may temang “Trabaho at Oportunidad tungo sa Tagumpay ng Pamilyang 4Ps.”

Ginanap ang naturang aktibidad sa DREAM Zone, Capitol Compound sa Lungsod ng Batangas at dinaluhan ng mahigit 14 na rehistrado at lehitimong local employers na katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pagbibigay ng trabaho para sa mga Batangueño.

Ipinagmalaki rin ng mga organizer na ilan sa mga aplikante ay agad na natanggap at napabilang sa tinatawag na Hired On The Spot (HOTS). Ang mga ito ay nakatakdang tumanggap ng Pre-Employment Assistance Fund upang higit na matulungan sa kanilang pagsisimula sa trabaho.

Naisakatuparan ang job fair sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)–CALABARZON at Department of Labor and Employment (DOLE)–Batangas, katuwang ang Batangas Provincial Public Employment Service Office (PESO) na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Provincial Assistance for Community, Public Employment, and Youth and Sports Development Office (PACPEYSDO) at ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Ang nasabing aktibidad ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng pambansa at panlalawigang pamahalaan upang makapaghatid ng matatag na oportunidad at tulong sa bawat pamilyang Batangueño.

Source: Batangas PIO FB Page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *