Ipinagdiwang ng Provincial Government–Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) ang World Bamboo Day sa isang makabuluhang tree planting activity na ginanap sa Sitio Betlehem, Barangay Princess Urduja, Narra, Palawan noong Setyembre 15, 2025.
Pinangunahan ng PG-ENRO katuwang ang Community-Based Forest Management (CBFM) at Betlehem Elementary School, ang nasabing aktibidad ay nilahukan ng mga guro, kabataan, at iba’t ibang miyembro ng komunidad. Sama-sama nilang tinanim ang mga punla ng kawayan, Mountain Agoho, at Udling sa tatlong ektaryang lupain ng paaralan bilang suporta sa adbokasiya ng pangangalaga sa kalikasan.

Ang mga itinanim na punla ay mula sa satellite nursery ng PG-ENRO, habang nagkaloob naman ng karagdagang mga seedling ng punong-kahoy ang Citinickel Mines and Development Corporation bilang bahagi ng kanilang suporta sa proyektong pangkalikasan ng lalawigan.
Ayon kay PG-ENR Officer Atty. Noel E. Aquino, ang aktibidad ay bahagi ng malawakang Forest Restoration Program ng Pamahalaang Panlalawigan, na layuning hindi lamang magpanumbalik ng mga nasirang kagubatan kundi lumikha rin ng kamalayan lalo na sa mga kabataan ukol sa kahalagahan ng pagtutulungan sa pagharap sa mga isyung pangkalikasan gaya ng climate change at deforestation.
“Hindi lamang ito simpleng pagtatanim—ito ay isang hakbang tungo sa isang mas luntiang kinabukasan,” ani Atty. Aquino.
Ang selebrasyon ng World Bamboo Day ay patunay ng patuloy na inisyatibo ng lalawigan ng Palawan sa pagtataguyod ng mga proyektong makakalikasang may pangmatagalang epekto sa komunidad.
Source: Palawan News Network