Isinagawa ng Provincial Public Employment Service Office (PPESO) ang taunang pagsubaybay at pagsusuri (monitoring & evaluation) ng mga guro sa ilalim ng Programang Pang-Edukasyon sa Kalibliban (PPsKA) sa iba’t ibang Mangyan Schools sa bayan ng Bulalacao, Oriental Mindoro noong Setyembre 15, 2025.

Sa naturang pagbisita, ipinakita ng mga PPsKA teachers ang kanilang kasanayan at kahusayan sa pagtuturo at pagbabahagi ng ibat-ibang kaalaman sa mga paksa ng Matematika, Araling Panlipunan, Pagki-kwento ng mga Alamat at Pabula at iba pa. Kaugnay nito, aktibo namang lumahok ang mga mag-aaral na katutubong Mangyan sa kanilang pakikipagtalastasan at partisipasyon sa naging pagtuturo.

Kabilang sa mga paaralang binisita ay ang mga sumusunod: Lower Yunot Elementary School, Tambangan Elementary School, San Roque National High School Tambangan Extension, Banti Elementary School, Pawikan Elementary School Kalatas Extension, Gatol Elementary School at Abantang Elementary School.

Sa kasalukuyan, marami sa mga PPsKAng guro ang humahawak ng klase (advisory class) sa kinder, elementarya at sekondarya sa ibat-ibang mga paaralan sa bayan ng Bulalacao.

Ang PPsKA ay programa ng Pamahalaang Panlalawigan naglalayong pag-ibayuhin, at maitaas ang antas ng edukasyon sa mga katutubong Mangyan sa buong lalawigan. Bahagi rin nito ang mabigyan ng pagkakataon na makapagturo ang mga nagsipagtapos sa kolehiyo na katutubong Mangyan habang hinihintay ang pagiging ganap na lisensyadong guro ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd).

Source: Orminpeso

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *