Umabot na sa Php14.4 milyon ang pinsala sa agrikultura dulot ng patuloy na pag-aalboroto ng Mayon Volcano, na nakaapekto sa 314 magsasaka at mangingisda sa Albay, ayon sa Department of Agriculture – Bicol Region (DA-5) noong Biyernes.
Ayon kay DA-5 Spokesperson Lovella Guarin, 1,466 metriko tonelada ng mga high-value crops at produktong pangisdaan ang napinsala ng pag-ulan ng abo sa 116 ektarya ng sakahan at palaisdaan.
“Ilan dito ay mga palaisdaang natabunan ng abo. Ang iba naman ay nasa loob ng anim na kilometrong permanent danger zone,” ani Guarin sa isang panayam.
Sinabi niya na kabilang sa paunang tulong ang pamamahagi ng farm inputs para sa mga communal garden sa evacuation centers at pakain para sa mga alagang hayop. May nakahandang Php324 milyon na buffer stock ang DA na maaaring ipamahagi sa mga magsasaka kapag maaari na silang makabalik sa kanilang mga sakahan sa labas ng danger zone.
Maaaring mag-claim ng insurance ang mga apektadong magsasaka mula sa Philippine Crop Insurance Corporation at umutang ng Php25,000 sa ilalim ng Survival and Recovery Assistance Program.
Sa hiwalay na ulat, sinabi ng DA-5 na tumaas sa 551,765 ang bilang ng mga magsasaka at mangingisdang nakarehistro sa national database noong 2025, mula sa 535,174 noong 2024.
Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1269026