“Ituring nating ginto ang ating likas-yaman—walang tapon sa seaweeds,” yan ang sinabi ni Stanley R. Liao ng Department of Science and Technology (DOST) sa pagsisimula ng pagsasanay para sa agrarian reform beneficiaries (ARBs) ng Garchitorena, Camarines Sur noong Hulyo 10-11.

Sa loob ng dalawang araw, 32 magsasaka mula sa Toytoy-Pambuhan-Canlong Farmers Organization (TOPACAFO) at Pag-iribang Parauma asin Parasira kan Del Pilar Agriculture Cooperative (PPAPDEL Agri Coop) ang sumailalim sa pagsasanay kung paano gumawa ng seaweed chips, seaweed yema, at seaweed noodles.

Ang aktibidad na ginanap sa Processing Facility ng Garchitorena ay naglalayong magamit ang yaman-dagat upang mapabuti ang kabuhayan ng mga komunidad.

Ang programang “Two-Day Capacity Building on Seaweed-Based Product Development” ay inisyatibo ng DOST sa pakikipagtulungan ng Department of Agrarian Reform (DAR)-Camarines Sur II, Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources 5 (DA-BFAR 5), at lokal na pamahalaan ng Garchitorena.

Bilang bahagi ng pagsasanay, itinuro ni Moisha Michael Dacara ang mga pangunahing kaalaman sa food safety, tamang handling, at packaging gamit ang programang Transfer and Upscaling of Knowledge Through DOST (TukDOST).

Layunin nitong tiyakin ang mataas na kalidad ng produkto upang tugunan ang mas malaking pamilihang lokal at internasyonal.

“Isa itong malaking oportunidad para sa TOPACAFO at PPAPDEL Agri Coop. Ang bagong kaalaman ay maaaring makabuo ng dagdag na pagkakakitaan habang pinapalago ang kita mula sa seaweed-based products,” ani Engr. Rodel C. Martirez, OIC-Provincial Agrarian Reform Program Officer II.

Binigyang-diin din ng DOST ang saganang yaman-dagat ng Garchitorena, na siyang dahilan kung bakit naugnay ang pagsasanay sa wastong paggamit ng seaweeds para sa kabuhayan.

Pinaalala rin ang kahalagahan ng Seaweed Drying Processing Facility, na itinayo sa ilalim ng Community Empowerment through Science and Technology (CEST) Program noong 2021, sa suporta ng LGU Garchitorena.

Bagamat naapektuhan ang operasyon ng pasilidad dahil sa pandemya, muling binuhay ang potensyal nito sa pamamagitan ng pagsasanay. Inaasahang magdadala ito ng mas maraming oportunidad sa mga magsasaka at residente.

“Sa produktong seaweed, mas makikilala ang Garchitorena—hindi lamang sa pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan, kundi bilang hakbang tungo sa mas maliwanag na kinabukasan,” saad ni Alkalde Nelson D. Bueza.

Nangako rin si Bueza ng patuloy na suporta para sa pag-unlad ng kanilang bayan.

Sa pagtatapos ng programa, hindi lamang mga produktong seaweed tulad ng chips, yema, at noodles ang nabuo, kundi pati ang pag-asa para sa mas maunlad na organisasyon. Ang mga likas-yaman ng Garchitorena ay nagpapatunay na kaya itong gawing sandigan ng pag-asenso ng isang komunidad.

Source: DAR Provincial Office of Camarines Sur

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *