Sinimulan na noong Hulyo 7, 2025 ang limang araw na pagsasanay para sa mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya at Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (LDRRMOs) mula sa mga bayan sa ng Palawan, kabilang ang Lungsod ng Puerto Princesa na isinagawa sa Convention Center ng Old Public Market sa Barangay Poblacion District I, Brooke’s Point.

Ang pagsasanay ay bahagi ng inisyatibong pinangungunahan ng Brooke’s Point Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), katuwang ang Regional at Provincial Office ng Department of Health (DOH). Layunin nitong ihanda ang mga kalahok upang maging sertipikadong tagapagturo ng Basic Life Support (BLS) at Standard First Aid (SFA) sa kanilang mga lokalidad.

Dumalo sa programa ang mga kinatawan mula sa mga bayan ng Rizal, Narra, Brooke’s Point, at Puerto Princesa City. Sa loob ng limang araw, sasailalim sila sa iba’t ibang aktibidad na kinabibilangan ng oryentasyon, demonstrasyon, at aktwal na pagsasanay ng mga tamang hakbang sa pagbibigay ng paunang lunas at resuscitation.

Tinuturuan rin ang mga kalahok ng epektibong paraan ng pagtuturo upang kanilang maipasa ang kaalaman sa mga miyembro ng komunidad. Mahalaga ito upang mas mapalawak ang kapasidad ng bawat lokal na yunit sa pagtugon sa mga emerhensiya, lalo na sa mga lugar na may limitadong akses sa mga serbisyong medikal.

Inaasahang magtatapos ang pagsasanay sa Hulyo 11, 2025. Pagkatapos nito, ang mga kalahok ay magiging sertipikadong tagapagturo ng BLS at SFA na maaaring magbahagi ng kanilang kaalaman sa iba pang volunteers at mga tauhan sa kani-kanilang mga bayan, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng emergency response capabilities ng lalawigan.

Source: Palawan Island Network

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *