Ipinamalas ng Department of Social Welfare and Development Field Office V – Bicol Region ang mabilis na aksyon at malasakit nang agaran silang maghatid ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Brgy. Tagas, Daraga, Albay noong Hulyo 5, 2025.
Batay sa ulat ng MDRRMO at BFP, nagsimula ang sunog bandang 4:30 ng hapon at naapula pagsapit ng 4:54 ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, hinihinalang faulty wiring ang sanhi ng insidente.
Dalawang pamilya na binubuo ng pitong indibidwal ang naapektuhan. Nasunog ang bahagi ng kanilang bahay, partikular na ang kusina at CR. Sa kasalukuyan, pansamantala silang naninirahan sa harap ng partially damaged na bahay.

Sa pamumuno ni Regional Director Norman Laurio, agad na naipamahagi ng kanilang opisina ang family food packs, hygiene kit, kitchen kit, at family kit na nagkakahalaga ng PHP 17,209.76 bilang paunang suporta upang matugunan ang pangunahin nilang pangangailangan.
Nagbigay din ang ahensya ng technical assistance para sa pagproseso ng karagdagang tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Patuloy naman ang pagtugon ng DSWD Bicol sa lahat ng mga nangangailangang Bicolano pagdating sa anumang uri ng sakuna, ito ay batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may layuning ilapit sa lahat ng mga nangangailangan ang lahat ng programa ng pamahalaan.
Source: DSWD Field Office 5 (Bicol Region)