Wala ng buhay ng abutan ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos umanong saksakin ng mister na nahuling nakikipagtalik sa misis sa kanilang boarding house sa Chico Street, Barangay Poblacion, Narra, Palawan nito lamang ika-27 ng Hunyo 2025.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Vin”, 27 anyos, laborer, at residente ng line 5 Barangay Taritien sa Narra, Palawan. Ang suspek naman ay kinilala sa alyas na “Mark”, 34 anyos, at residente ng Purok 4, Barangay Estrilla, Narra, Palawan.
Base sa spot report ng Narra MPS, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa kapitan ng Barangay Poblacion na may kaugnayan sa nangyaring pananaksak. Agad namang tinungo ng mga kapulisan ang lugar kung saan nadatnan ang katawan ng biktima na nakahadusay, wala ng buhay, at may saksak sa kaliwang bahagi ng likod.
Samantala, agad ding inaresto ang suspek kung saan nakumpiska ang patalim na ginamit nito sa krimen, na may habang labing isang pulgada.
Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na naaktuhan ng suspek ang biktima na nakikipagtalik sa kanyang misis, kaya nagawa nitong saksakin. Depensa naman ng misis, matagal na silang hiwalay ng kanyang asawang suspek.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Narra MPS ang arestadong suspek habang inihahanda ang kasong murder.
Ang pagkakaaresto sa suspek ay patunay lamang na ang kapulisan ay agarang rumeresponde sa anumang insidente para tiyakin ang kaligtasan ng bawat mamamayan.
Source: Thunder News Philippines