Matagumpay nang nilagdaan ang nagkakahalagang Php20 Milyong ecotourism village na itatayo sa Barangay Pinamihagan, Carabao Island, San Jose, Romblon nitong ika-29 ng Hunyo 2025.
Ang proyektong ito ay bahagi nang isinusulong ng Department of Tourism (DOT), Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), at lokal na pamahalaan ng San Jose para sa mas pinatibay na sustainable tourism development sa lalawigan.
Tampok sa plano ang view deck, modelong bahay na hango sa tradisyunal na arkitekturang Ati, performance area, gallery, souvenir shop, at Cultural Information Center.
Ayon kay San Jose Tourism Officer Leahlyn Pablo, Php 13 milyon ng pondo ay mula sa premyong napanalunan ng bayan sa Tourism Champions Challenge (TCC), habang ang natitirang halaga ay magmumula sa pondo ng LGU.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan na ang proyektong ito ay magpapalakas ng turismo sa isla, lilikha ng trabaho, magbubukas ng oportunidad para sa maliliit na negosyo, at magsusulong ng aktibong partisipasyon ng komunidad sa pag-unlad ng ekonomiya.
Source: Romblon News Network