Muling inoorganisa ang grupong mangangasiwa sa Government Internship Program (GIP) educators na magsisilbing katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsusulong ng Zero Illiteracy and Innumeracy Program (ZIIP) nito lamang Hunyo 17, 2024.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng labing-walong (18) katutubong Mangyan mula sa unang distrito ang napili upang magsilbing focal persons sa iba’t ibang bayan ng lalawigan. Ang proseso ng screening at pagpili ay isinagawa sa Provincial Public Employment Service Office (PPESO) na pinamumunuan ni PPESO Manager, Antonio Magnaye Jr.

Ayon kay ZIIP Manager Meth Jimenez, “Ang pangalawang taon ng pagkatuto sa pagbasa, pagsulat, at pagbilang ay isa sa napakahalagang programa ng ating gobernador. Ang programang ito ay tumutugon sa pagbibigay ng katarungan sa ating mga katutubo pagdating sa karapatan sa edukasyon at pagkatuto.”
Pinuri naman ni Bokal Ahop Agate ang inisyatiba at hinikayat ang mga katutubo na magtulungan, magsama-sama, at magkaisa upang wakasan ang kamangmangan, lalo na ng mga Mangyan na naninirahan sa kabundukan at mga liblib na lugar.

Nagbigay ng maikling oryentasyon si Ms. Hazel Fortu ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) tungkol sa mga tungkulin at gawain ng bawat focal person. Ayon sa kanya, sasailalim din ang mga napiling focal persons sa tatlong (3) araw na pagsasanay bago sila tuluyang i-deploy sa kani-kanilang bayan.
Ang ZIIP ay naglalayong puksain ang illiteracy at innumeracy sa mga katutubong komunidad, at sa pamamagitan ng GIP educators, umaasa ang pamahalaang panlalawigan na mas marami pang Mangyan ang makikinabang sa programang ito. Patuloy ang suporta ng lokal na pamahalaan upang masiguro ang tagumpay ng ZIIP at ang pagkakaroon ng pantay na oportunidad sa edukasyon para sa lahat.
Source: Provincial Information Office- Oriental Mindoro