Isang seremonya ng pagbibigay-parangal sa ginanap na Tourism Champions Challenge na isinagawa sa Philippine International Convention Center (PICC) noong ika-15 ng Abril 2024.
Sa pangunguna ng Department of Tourism (DOT), nagtipon-tipon ang mga lokal na pamahalaan mula sa buong Pilipinas upang ipamahagi ang pinansyal na tulong sa mga tagumpay na mga proyektong imprastruktura sa turismo para sa kanilang pangunahing proyektong Tourism Champions Challenge (TCC).
Kasama sa tumanggap ng parangal si Bong B. Marquez, Mayor ng Sablayan, kasama ang iba pang mga opisyal ng bayan.

Personal na ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., kasama sila Executive Secretary Lucas P. Bersamin, at DOT Secretary Maria Esperanza Christina C. Garcia-Frasco ang katumbas na halaga na Php20 milyon para sa proyekto, na binubuo ng Php15 milyon mula sa TIEZA at karagdagang Php5 milyon mula sa Office of the President.
Ang bayan ng Sablayan sa Occidental Mindoro ay itinanghal bilang Rank 2 sa prestihiyosong Tourism Champions Challenge ng Department of Tourism (DOT), ang proyektong “Pinagpalang Lagusan sa Bakawanan – A Mangrove Forest Park Development” ang nagdala ng tagumpay para sa Sablayan. Isinumite ito bilang tugon sa hamon ng TCC, na layuning palakasin ang imprastruktura sa turismo sa buong bansa.
Layunin ng proyekto na gawing pasyalan ang 12 ektaryang bakawan sa Barangay Poblacion, na magiging tampok sa mga atraksyon tulad ng pasyalan, adventure, at kultura ng Sablayan.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, inaasahang lalo pang mapalalakas ang industriya ng turismo sa Sablayan, na magdudulot ng positibong epekto hindi lamang sa ekonomiya kundi pati na rin sa buhay ng mga residente.
Ang ating gobyerno ay patuloy na susuporta at magbibigay inspirasyon para sa pagpapalakas ng Pilipinas bilang isang makapangyarihang puwersa sa turismo at isang tanglaw para sa matatag at maunlad sa sektor ng turismo sa Asya.
Source: Mayor Walter ‘Bong’ B. Marquez