Sinimulan na ang oryentasyon para sa tatlong araw na Oriental Mindoro Travel Influencers Familiarization Tour na isinagawa sa Oriental Mindoro Heritage Museum, sa Lungsod ng Calapan nito lamang ika-3 ng Abril 2024.
Ang naturang gawain ay pinangunahan ni Dr. Dhon Stepherson Calda, Provincial Tourism Officer, kabilang ang mga kilalang social media influencers tulad ni KaMangyan Vlogs, Forda Ferson, Mangyan Travel Vlog, Gell TV, The Good Mangyan, CLEO FIFI, mhakelTV, at Marvin Almanon Page.
Inaasahan na ang mga travel influencer na ito ay magiging katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapaunlad at pagpapakilala ng turismo ng lalawigan sa mas malawak na saklaw sa pamamagitan ng iba’t ibang social media platforms.
Pagkatapos ng oryentasyon, nagkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na mag-tour sa Oriental Mindoro Heritage Museum upang masilayan ang mayamang kultura, tradisyon, at kasaysayan ng lalawigan.
Ang Fam Tour ay tatagal ng tatlong araw mula Abril 3 hanggang Abril 5, 2024. Ang ilan sa mga aktibidad na kasama nito ay pagsakay sa kariton (San Teodoro), bamboo slide (Gloria), snorkeling (Puerto Galera at Pinamalayan), kayaking (Pinamalayan), island hopping (Puerto Galera), pagluluto, at marami pang iba.
Layunin ng programa na magtulong-tulong ang mga kilalang influencers na tuklasin ang mga sikat na destinasyon sa Oriental Mindoro at itaguyod ang lokal na turismo ng lalawigan.
Source: Provincial Information Office – Oriental Mindoro