Ang Poctoy White Beach na matatagpuan sa baybayin ng Torrijos, Marinduque. Isa ito sa mga sikat na beach sa Pilipinas. Kung hilig mo ang swimming at snorkeling, mae-enjoy mo ang isang kilometrong kahabaan ng pinong puting buhangin at napakalinaw na tubig ng beach.
Bukod dito, matatanaw mo rin ang ganda ng Mount Malindig, ang pinakasikat na bundok sa lalawigan na paboritong akyatin ng mga mountain climbers.
Sa Poctoy White Beach, ang mga turista ay karaniwang tinatanggap na may nakagagalak na kaugalian na tinatawag na putong. Ito ay isang tradisyonal na ritwal ng kanta at sayaw na kinabibilangan ng pagpuputong ng mga bulaklak sa mga turista ng mga lokal.
Tulad ng karamihan sa mga isla sa Pilipinas, ang Poctoy White Beach ay tahanan din ng masasarap na seafood tulad ng yellowfin, pusit, alimango, at hipon na sariwang hinuhuli araw-araw. Maaring bilhin at iluto ng mga bisita ang mga ito ayon sa gusto nila sa mga canteen malapit sa baybayin.
Patok din sa Poctoy White Beach ang camping at kayaking. Mae-enjoy din ng mga bisita ang island-hopping sa Gaspar, Melchor, at Baltazar Islands o mas kilala bilang Tres Reyes Islands o Three Kings Islands.