CALAPAN CITY, Oriental Mindoro (PIA) — Pinalakas ng Department of Education (DepEd) MIMAROPA ang mga hakbang sa seguridad at child protection sa mga paaralan kasunod ng naitalang 9,243 Learner Rights and Protection (LRP) concerns sa rehiyon.
Pinakamarami sa mga naitalang kaso ang bullying na umabot sa 3,845, kasunod ang Children at Risk (CAR) na may 2,983 kaso. Kabilang din sa mga naitala ang child abuse, Children in Conflict with the Law (CICL), at iba pang learner protection concerns.
Bilang tugon, pinaigting ng mga paaralan ang bag inspection, pagkumpiska ng mga ipinagbabawal na bagay, vehicle inspection, paggamit ng CCTV at security personnel, at iba pang safety measures. Mayroon ding 1,372 aktibong School Child Protection Committees (CPCs) sa rehiyon upang mas mapalakas ang proteksyon at kapakanan ng mga mag-aaral.
Ayon sa DepEd MIMAROPA, layunin ng mga hakbang na mapanatiling ligtas ang mga paaralan at maging ligtas at angkop na lugar para sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Source: PIA MIMAROPA