BATANGAS CITY — Muling nagsagawa ang Social Security System (SSS) South Luzon 2 Division ng “One Time-Big Time” campaign sa Julian P. Pastor Memorial Public Market sa Batangas City ngayong Hulyo 14. Layunin ng aktibidad na palakasin ang pagpaparehistro ng mga negosyo at manggagawa sa SSS, gayundin ang pagpapalawak ng kaalaman ng publiko hinggil sa kanilang mga benepisyo at obligasyon bilang miyembro.

Naglibot ang mga opisyal at empleyado mula sa tatlong sangay ng SSS sa lalawigan ng Batangas sa iba’t ibang bahagi ng pampublikong pamilihan upang paalalahanan ang mga employer at empleyado sa kahalagahan ng tamang pagpaparehistro at regular na paghuhulog ng kontribusyon. Kasabay nito, isinagawa rin ang SSS Mapping Drive kung saan binisita ang mga tindahan at establisimiyento upang tiyakin kung nakarehistro na ang kanilang mga negosyo at mga empleyado sa SSS.

Ayon kay Mary Gay Galang, Branch Head ng SSS Batangas, bahagi ng programa ang e-Wheels Palengke Caravan na nagbigay ng agarang serbisyo sa mga miyembro, employer, at mga nagnanais magparehistro. Dito ay sinagot ng SSS ang mga katanungan kaugnay ng kanilang mga account, benepisyo, at iba pang serbisyo upang higit na mailapit ang ahensya sa mga manggagawa at negosyante sa komunidad.
Source: PIA CALABARZON