Santa Rosa City, Laguna – Pormal nang binuksan ang bagong interactive classroom at gulayan sa Sinalhan Elementary School bilang bahagi ng pagwawakas ng Brigada Eskwela 2026, sa pamamagitan ng proyektong ipinagkaloob ng Enchanted Kingdom (EK) para sa kapakinabangan ng mga mag-aaral at komunidad ng paaralan.

Pinangunahan nina Enchanted Kingdom President and Chairman Mario Mamon, Santa Rosa City Mayor Arlene Arcillas, Vice Mayor Arnold Arcillas, DepEd Santa Rosa Schools Division Superintendent Dr. Hereberto Jose Miranda, Sinalhan Elementary School Principal Benjamin Ongteco Jr., kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod at Sangguniang Barangay, ang inagurasyon ng mga bagong pasilidad.

Ang proyekto ay bahagi ng 12-taong pakikilahok ng Enchanted Kingdom sa Adopt-a-School Program, kung saan patuloy nitong sinusuportahan ang pagpapaganda, pagsasaayos, at modernisasyon ng mga silid-aralan upang makalikha ng mas maayos at makabagong kapaligiran para sa pagkatuto.

Ayon kay Mamon, layunin ng kanilang organisasyon na maipakita sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng edukasyon bilang susi sa mas magandang kinabukasan. Aniya, sa pamamagitan ng mga pinahusay na pasilidad at modernong kagamitan, umaasa silang mabibigyan ng inspirasyon ang mga kabataan upang maging mabubuting mamamayan at aktibong katuwang sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapaunlad ng komunidad.

Bukod sa mga bagong pasilidad, namahagi rin ang Enchanted Kingdom ng mga school supplies at pagkain para sa mga mag-aaral bilang dagdag na suporta sa kanilang pagbabalik-eskwela.

Ipinahayag naman ng Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa ang buong suporta nito sa programa ng EK at kinilala ang kumpanya bilang mahalagang katuwang sa pagsusulong ng kalidad na edukasyon, gayundin sa pagpapalago ng industriya, pamumuhunan, at ekonomiya ng lungsod.

Pinuri rin ng Department of Education (DepEd) ang inisyatibo ng EK dahil ito ay kaakibat ng mga pangunahing pagpapahalagang itinataguyod ng kagawaran—ang pagiging Maka-Diyos, Makatao, Makakalikasan, at Makabansa.

Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pribadong sektor, lokal na pamahalaan, at mga institusyong pang-edukasyon, patuloy na naipapakita ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos para sa kapakanan at kinabukasan ng mga kabataang Pilipino.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *